“Huwag mong hayaan na maging balakid ang mga bagay na hindi mo kayang gawin sa mga bagay na kaya mo ng gawin.” – (translated) John Wooden

“Do not let what you cannot do interfere with what you can do.” – John Wooden

Maraming bagay ang hindi mo maaring nagagawa habang ikaw ay nasa loob ng iyong tahanan ngayon. Tulad na lamang ng balakid sa trasportasyon upang makapagtrabaho o di kaya’y ang pagpunta sa malls upang makapamili at makapanood ng sine.

Malamang ay may oras at araw na rin ang iyong paglabas upang mamili ng inyong pagkain at iba pang pangangailangan sa bahay.

Kung dati ay malaya kang nakalalabas, ngayon ay hindi mo na basta basta magawa ito dahil sa takot. Marahil ay dahil na rin sa takot sa pandemiya at kawalan na rin ng mga pambublikong sasakyan.

Ngunit sa gitna ng mga limitasyon na mga ito, marami ka pa rin naman na magagawa sa loob ng iyong bahay.

Ito ang ilan sa mga bagay na maaring pag-ubusan ng panahon ngayon upang mas maging produktibo at ‘healthy’ ang iyong buhay:

  1. Maglinis ng bahay upang mapanatili ang iyong kalusugan.Ang iyong kalusugan at ng iyong mga minamahal sa buhay ang dapat na nangunguna sa lahat iyong prioridad ngayon. Hindi lamang paglilinis ang nakapaloob dito. Kasama na rin ang iba pang gawain tulad ng paglalaba, paghuhugas ng pinggan at pagtatapon ng mga lumang kagamitan.
  2. Magbasa ng libro.Makatutulong ito upang madagdagan ang iyong kaalaman sa iyong trabaho. kung sakaling wala kang mga libro na maaaring basahin ay maaari kang maghanap ng mga Ebook na makatutulong din sa’yo.

Kahit ang iyong cellphone ay may kakayahan magbukas ng mga Ebook

O kaya naman ay maaari kang manood ng mga ‘educational videos’ tungkol sa iyong hanapbuhay.

  1. Kumuha ng mga ‘online courses’.Maraming libre at murang kurso na matatagpuan sa internet. Maari mong salihan ang mga ito upang madagdagan ang iyong kaalaman at kasanayan. Kailangan mo lamang hanapin sa internet ang mga eksaktong kurso na makatutulong sa iyo.
  2. Mag ehersisyo.Maaari mo itong gawin sa loob ng iyong bahay habang ikaw ay sumasabay sa mga libreng channels sa Youtube.

Gawing mas masaya ang pag eehersisyo sa pamamagitan ng pagsabay sa mga Youtube exercise videos kasama ang iyong mga minamahal sa buhay

Maaari ka din na lumabas ng bahay habang nag-eehersisyo upang makakuha ng Vitamin D na tiyak na malaki ang maitutulong sa iyong kalusugan.

  1. Paghanda at pagkain ng masusustansiyang pagkain.Hawak mo na sa wakas ang iyong oras sa paghahanda at pagpili ng iyong kakainin. Gulay, prutas, isda, karne at ibang pang masustansiyang pagkain ang iyong maaaring bilhin. Maari ka din mag-aral ng mga bagong pamamaraan sa pagluto nito upang mas kahiligan mo at ng iyong mga mahal sa buhay ang pagkain ng mga ito.

Laging isipin na kaya mo ituon mo ang iyong isip sa mga bagay na iyong kayang gawin. Sa halip na malunod ka sa kakaisip sa mga bagay na hindi mo magagawa sa panahon ngayon, mas mainam na bigyan mo ng pansin ang iyong mga kalakasan at kakayan. Alamin ang mga bagay na iyong maaaring ibahagi sa mundo at pagyabungin mo pa ito.

 

 

Isinulat ni Oliver Villaverde para sa PhilJobNet