Hindi natin inakala na maaring mangyari ito sa atin. Ngunit kailangang harapin na natin ang katotohanan, dahil halos lahat tayo ay apektado na ngayon. Sa panahon na walang ibang magawa o mapuntahan, dahil sa labis na pag-iingat sa nakakawahang sakit tulad ng COVID-19. Marami tayong oras na maaring gamitin sa makabuluhang bagay bukod sa paglalaro ng online games, panonood ng pelikula o kung ano pang aktibidad na hindi masyadong kapakipakinabang.

Malamang ay dumating ka na rin sa punto na halos napanood mo na lahat ng gusto mong telenovela at pelikula, o di naman kaya’y nakuha mo na rin ang gusto mong XP o item sa mga nilalaro mo.

Kung nais mo pang sulitin ang oras na ibinigay sa atin ngayon, maari mo ng gawin ang mga bagay na ito:

1. Makipag-ugnayan sa ating mga mahal sa buhay. Dahil sa nasa isang bubong lang tayo maaari natin silang makausap, makasama, mayakap at maipadama sa kanila ang ating pagmamahal, pag-aaruga at malasakit. Kung sila naman ay nasa ibang lugar ay maari ka din makipag ugnayan gamit ang teknolohiya tulad ng Facebook Messenger at Zoom.

2. Maglinis ng ating tahanan upang makatulong sa ating kalusugan at kapaligiran. Maaari nating linisin ang loob at labas ng ating bahay, mag-disinfect at di naman kaya ay mag-ayos ng mga bagay na hindi natin nagagawa habang tayo ay nasa trabaho. Ang mga bagay na madalas natin makaligtaan gawin dahil sa ating mga trabaho ay maari ng magawa ngayon upang hindi masayang ang panahon.

3. Magsimula ng programa para sa sarili upang palakasin ang ating katawan sa pamamagitan ng ehersisyo. May mga ehersisyo na hindi kailangan na kagamitan sa gym, maaari tayong mag-aerobic exercise o mag burpees, kaya naman kung may hagdan ang iyong bahay ay mag-akyat baba sa hagdan loob ng tatlumpung minuto bawat araw.

4. Magsanay sa bagong kaalaman na maaring gamitin sa iyong trabaho o para sa iyong buhay. Maigi kung may kaugnayan ito sa iyong hanapbuhay, pero kung interesado ka rin matutunan ang mga bagay na matagal mo ng nais malaman at simulan tulad ng pagluluto, ‘baking’, home gardening o di naman kaya’y welding- napakaraming makukuhanan na libreng impormasyon nito online upang masimulan ang pag-aaral. Maraming online courses na iyong maaaring simulan habang nasa bahay ka. Kinakailangan lamang ay masimulan mo ito at gawing ‘habit’ na pang araw-araw.

Hindi pa huli ang lahat. Napakarami pa nating oras na maaring gamitin upang masabi nating hindi lamang nasayang ang panahon habang tayo ay nasa Enhanced Community Quarantine. Umiwas tayo sa sakit habang napapanatili din natin na malusog ang ating isipan, katawan at pakikipag-ugnayan sa ating mga mahal sa buhay.

 

Isinulat ni Oliver Villaverde para sa PhilJobNet