Karaniwan para sa isang manggagawa ang hindi nakakapag ipon dahil sapat lamang ang kanyang sahod para sa pang araw araw na gastos.  Kung katulad ka rin ng iba na nagiging regular na  ang pakikipagsapalaran sa ‘petsa de peligro’ ay may mga bagay ka na maaaring gawin kung sadyang kinukulang ang pera bago dumating ang susunod na araw ng sahod.

1. Paglilista ng gastusin

Isa dito ay ang alamin mo kung saan na pupunta ng bawat sentimo na iyong ginagasta sa araw-araw. Oo maaaring dagdag trabaho ito para sa iyo at maaari mong isipin na hindi na kailangan ang ilista pa ang iyong mga pinaggagastusan, pero kung susubukan mong itala ang bawat gastos mo ay baka makita mo ang mga bagay na dati ay hindi mo napapansin na may kinalaman pala sa kakulangan ng iyong pera sa tuwing dumarating ang ‘petsa de peligro’.

Dahil pinag uusapan natin ang paglilista ng mga nagastos ay magandang ideya din ang magkaroon ng tiyak na budget para sa iyong bibilhin para sa loob ng dalawang linggo. Ito ay makatutulong lalo na kung ang iyong sweldo ay tuwing kinsenas at katapusan ng buwan. Magkakaroon ka ng tiyak na pinaglalaanan ng iyong pera at makakaiwas sa mga biglaang pagkakagastusan.

2. Huwag bumili ng hindi mahalaga

Huwag gastusan ang hindi mahahalagang bagay. Maraming bagay ang hindi mo kailangan pagkagastusan ngunit dahil sa nakasanayan mo na itong bilhin ay maaaring nasisira ang iyong budget at nakakapagdulot ng problema sa iyong pinansiyal na kakayahan. Halimbawa, sa tuwing may dumadaan na nagtitinda ng kakanin, miryenda, at iba pang nagtitinda ay madalas kang bumibili sa kanila. Hindi mo napapansin na ang ginagastos mo na barya ay unti unting nakakapagdulot ng hindi magandang epekto sa iyong budget.

Eto pa ang isang halimbawa, kung gumagastos ka ng 20 piso sa araw araw sa isang bagay na nakasanayan mong bilhin tulad ng ‘taho’ na maaari mo naman hindi bilhin dahil maaari kang magtimpla ng kape sa iyong oras ng pahinga sa trabaho ay nagsasayang ka ng 300 piso kada 2 linggo, 600 piso sa loob ng isang buwang at 6000 piso sa sampung buwan. Nakakagulat na malaman na ganyan ang halagang nawawala sa iyo sa loob ng sampung buwan. Ngunit kung simula ngayon ay magiging masinop ka sa pera ay makaiiwas ka sa na mawaldas ng iyong pinaghirapang pera at magagamit mo ito sa mas mabuti paraan o sa mga bagay na makapag bibigay sa iyo ng mas higit na ginhawa sa hinaharap.

 

Alalahanin na ang pera ay kailangan pahalagahan at hindi basta basta ginagastos sa mga walang kwenta bagay. Maaari mong gamitin ito upang makapag enrol sa isang program na makakatulong upang mas tumaas ang iyong kaalaman at kasanayan. O di naman naman upang makabili ka ng mga kagamitan na magagamit mo upang magkaron ng maliit na pansariling negosyo.

Nandiyan din ang pagkakaroon ng mapagkukuhanan ng pondo upang matugunan ang pangangailangan ng iyong pamilya sa oras ng biglang pangangailangan. Maari mo din ito magamit pang tustos sa pag aaral ng iyong mga anak o kamag anak.

Sa huli ikaw ang may hawak ng kapangyarihan kung saan mo ilalaan ang iyong pinaghirapan na salapi. Kami ay nagbibigay lamang ng mga ideya upang mapagkasya ang iyong kinikita. Sana ay makatulong ang mga payo na ito sa iyo. Hangad namin ang iyong ika-uunlad bilang manggagawa.

Photo Credit: Getty Images